• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bulacan, wagi ng iba’t ibang parangal sa TOPS Regional Award 2021

LUNGSOD NG MALOLOS – Tumanggap ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office ng tatlong malalaking parangal sa katatapos lamang na The Outstanding Population Structure (TOPS) Regional Award 2021 na pinangunahan ng Commission on Population and Development-Region III noong Miyerkules, Disyembre 15, 2021 sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga para sa implementasyon nito ng population and development program sa lalawigan.

 

 

Sa ginanap na seremonyal na pagpaparangal noong Huwebes kasabay ng ‘Pangkalahatang Pagtitipon ng mga Lingkod Lingap sa Nayon (LLN) and Motherleaders’, iprinisinta ng pinuno ng PSWDO at Provincial Population Officer Rowena J. Tiongson ang mga parangal kung saan nagwagi ang Lalawigan ng Bulacan ng Best in Adolescent Health and Development Component; Best in Population and Development Integration Component at nagkamit ng 3rd place sa Over-All in Population Program Implementation.

 

 

Samantala, binigyang pagkilala naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga LLN at Motherleaders bilang bahagi ng parangal na natanggap ng lalawigan at pinuri sila bilang katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagsasagawa ng development programs sa bawat barangay.

 

 

“Motherleaders at mga LLN, you are also part of this award. Sa mga parangal na ito, ipinapakita ng Panginoon na tayong lahat ay nagsisikap. Kayo ay katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagsasagawa ng mga programa para sa mga Bulakenyo. Pinasasalamatan ko kayo sa inyong aktibong pagbibigay ng serbisyo at sa patuloy na pangangalaga sa inyong mga barangay,” anang gobernador.

 

 

Layunin ng TOPS na kilalanin ang mga pamahalaang lokal na may katangi-tangi at huwarang kasanayan sa malawakang pagpapatupad ng Philippine Population and Development Program. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)