Mga politikong ginagamit ang ‘TUPAD’ sa kampanya, tukuyin – DOLE
- Published on November 20, 2021
- by @peoplesbalita
Hinikayat kahapon ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III si Senador Panfilo Lacson na ibigay sa kanila ang pangalan ng mga politiko na sinabi niyang gumagamit sa TUPAD program para pilitin ang mga benepisyaryo na lumahok sa kanilang mga caravan.
“As soon as Sen. Lacson can give me the names of the politicians involved. Please assure the senator that whatever info he will share will be treated with extreme confidentiality,” pangako ni Bello.
Una nang sinabi ni Lacson nitong Lunes na ang TUPAD, o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), ay pinagsasamantalahan ng ilang mga politiko.
Ipinapangahas umano ng mga ito sa mga benepisyaryo na hindi makukuha ang kanilang ayuda kung hindi sasama sa kanilang mga caravan.
Binanggit ng DOLE na lubhang nakakabahala ang naturang ulat lalo pa nga’t una nang nadiskubre ang anomalya sa distribution nito sa ikalawang distrito sa Quezon City. Matatandaang nadawit sa sinasabing ‘tinapyas’ na ayuda ang pangalan ni QC 2nd District Congresswoman Precious Hipolito Castelo.
Ibinulgar ng mga benepisyaryo na kinakaltasan ng tanggapan ng kongresista ang kanilang ayuda mula sa TUPAD program.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang DOLE ukol dito.
Iginiit ng ahensya na hindi nila kinukunsinti ang naturang mga aktibidad at aalamin ang buong pangyayari.
Labis din nilang ikinalungkot kung bakit ang benepisyo para sa mahihirap ang siyang pinagsasamantalahan ng ilang tiwali sa pamahalaan. (Gene Adsuara)