Sara nag-alok ng tulong sa kandidatura ni BBM
- Published on October 26, 2021
- by @peoplesbalita
Nilinaw ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na nakipagkita siya kay dating Senador Bongbong Marcos Jr. sa Cebu para pag-usapan kung paano makakatulong sa kanyang presidential bid sa susunod na taon ang kanyang regional party na Hugpong ng Pagbabago (HNP).
Kasabay nito, muling iginiit ni Sara na hindi siya tatakbong pangulo sa 2022 presidential race.
Sa halip ay muli siyang sasabak sa pagka Alkalde ng Davao City sa kabila ng mga panawagan na huÂmalili siya sa kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinagot din ni Sara ang mga tanong kung posible ba silang mag-tandem ni Marcos sa susunod na taon at sinabing walang pag-uusap tungkol dito.
Matatandaan na noong Sabado ay ibinahagi sa social media ng Alkalde ang mga larawan tungkol sa pagpupulong nila ni Marcos at kapatid nito na si Sen. Imee Marcos sa Cebu City.
Subalit nilinaw na dumalo lamang siya sa birthday celebration ng asawa ni House Majority Leader Martin Romualdez na pinsan naman ng mga Marcos at sa iba pang engagements sa lalawigan. (Gene Adsuara)