ALERT LEVEL SA NCR PUWEDENG BUMABA PA
- Published on October 23, 2021
- by @peoplesbalita
POSIBLENG mapababa pa ang Alert Level sa National Capital Region (NCR) kung magpapatuloy ang pagbaba ng bilang ng mga kaso, ayon sa Department of Health.
Sinabi ni Health Usec Maria Rosario Vergeire na ang seven-day moving average sa NCR ay 1,156.
Ang average na mas mababa sa 500 tulad ng mga buwan bago ang nagkaroon ng surge noong Marso at Abril ay isang komportableng numero para sa pagbaba ng alert level.
“If we continue on to have these kind of numbers and it will continuously decline then we can again reach that goal. And if that goal will be reached then we can be deescalated,” saad ni Vergeire sa panayam ng CNN Philippines.
Nauna na ring sinabi ng OCTA Research na ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ay inaasahang mababawasaan ang pre-Delta surge sa katapusan ng Oktubre sa gitna ng pagbaba ng reproduction numbers.
Sa pinakahuling monitoring ng OCTA, ang reproduction number sa buong bansa ay 0.55 habang ang NCR ay 0.47
Gayunman, sinabi ni Vergeire na bukod sa numero ng COVID-19, tinitignan din ng gobyerno ang paggamit ng healthcare utilization sa pagpapasya ng alert levels.
“Let me just remind everybody that it is just not the numbers that we are looking at. We are also looking at healthcare utilization,”
Sinabi nito na talagang may pagbawas o pagbaba sa mga admission ng mga pasyente ng COVID-19 bagaman ang mga ICU sa ilang mga ospital ay 70 percent pa rin ang okupado. GENE ADSUARA