Ugas tataob kay Pacquiao sa rematch — Fortune
- Published on September 9, 2021
- by @peoplesbalita
Umaasa si strength and conditioning expert Justine Fortune na ikokonsidera ni People’s Champion Manny Pacquiao ang rematch kay World Boxing Association (WBA) welterweight champion Yordenis Ugas para sa kanyang final fight.
Gusto ni Fortune na muling sumalang si Pacquiao sa huling pagkakataon dahil ayaw nitong magretiro ang Pinoy pug ng ganun ganun na lang.
Sa kabila ng tensiyon sa coaching staff, gusto pa rin ni Fortune na makasama ang Pinoy champion sa huling laban nito.
Sa oras na maikasa ang rematch, optimistiko si Fortune na kayang-kaya ni Pacquiao na pabagsakin si Ugas dahil napagpag na ang kalawang nito.
“For me, I don’t want Manny to retire with a loss. I wouldn’t mind a rematch with Ugas. I think Manny should be able to beat him with no more ring rust,” ani Fortune sa Boxing Scene.
Matagal-tagal ding hindi sumabak si Pacquiao — mahigit dalawang taon mula nang talunin nito si Keith Thurman noong Hulyo ng taong 2019.
Alam ni Fortune na may ilang pagkakamali sa training camp ni Pacquiao noong naghahanda ito para kay Ugas at umaasang hindi na ito mauulit sa oras na muling magsimula ang pagsasanay ng Pambansang Kamao.
Lumasap si Pacquiao ng unanimous decision loss kay Ugas kung saan isa sa itinuturong dahilan ang tinamong cramps ng fighting Senator sa huling bahagi ng laban.
May alitan sina Fortune at Hall of Famer Freddie Roach ngunit handa si Pacquiao na pumagitna upang maayos ang gusot.