Pinas mas malala na sa India, Indonesia – OCTA
- Published on September 7, 2021
- by @peoplesbalita
Naniniwala ang OCTA Research Group na walang kaso kung bubuksan na ang Pilipinas sa ibang bansa na dating nasa travel ban dahil sa mas malala na umano ang sitwasyon ngayon ng Pilipinas kumpara sa India, Indonesia at iba pa.
Reaksyon ito ni Dr. Guido David, ng OCTA sa desisyon ng pamahalaan na tanggalin na ang travel ban sa India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, Oman, Thailand, Malaysia at Indonesia. Nakatakdang ipatupad ito ng Bureau of Immigration ngayong Lunes.
“Actually, tayo na nga ang isa sa pinakamataas na kaso sa Asia. Ibig sabihin baka sila na matakot dito galing India or even Pakistan, mga 4,000 na lang ata sila per day,” ayon kay David.
Kung mayroong dapat matakot, sinabi ni David na ito ay ang mga mamamayan ng naturang bansa dahil sa mas malala na umano ang sitwasyon natin kaysa sa kanila.
Ngunit iginiit pa rin ni David na hindi dapat bababaan ng pamahalaan ang kanilang pagbabantay sa ating mga borders at pagpasok ng mga biyahero mula sa ibang bansa.
Kailangang tutukan ng husto ng nasyunal na pamahalaan ang ‘quarantine’ sa mga dumarating sa bansa upang hindi na malusutan ng mga indibidwal na may taglay na virus lalo na ng mas mapanganib na mga variants.
Matatandaan na umabot sa 200,000 ang arawang kaso ng COVID-19 sa India na sa kasalukuyan ay nasa 40,000 na lamang ngayon.
Ang Pakistan naman ay may 3,000 bagong kaso na lamang nitong Setyembre 3 at patuloy ang pagbaba ng mga aktibong kaso. (Gene Adsuara)