Hindi pa rin interesado na tumakbo bilang bise-presidente sa Eleksyon 2022
- Published on August 26, 2021
- by @peoplesbalita
“I am still not interested.”
ito ang naging pahayag ni Senador Bong Go matapos tanggapin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pag-endorso sa kanya ng ruling party PDP-Laban na tumakbo bilang bise-presidente sa Eleksyon 2022.
Sa isang video message, sinabi ni Go na nakatutok siya sa kanyang tungkulin bilang senador upang tulungan ang bansa na malampasan ang krisis na hinaharap ng lahat.
“Bakuna muna bago ang politika,” diing pahayag ni Go.
Ang pakiusap pa ni Go ay mas mabuti aniya na unahin muna ang mga interesado na tumakbong Pangulo kaysa sa kanya.
Matatandaang, sinabi ni Go na “makapagbabago lang ng aking desisyon na tumakbo bilang Presidente ay kung si Tatay Digong ang aking magiging Bise Presidente.”
Sinabi ni Go na nais niyang si Pangulong Duterte ang kanyang maging ka-tandem sa pampanguluhang halalan hanggang sa pagsisilbi sa bayan dahil naniniwala siyang ito ang magiging “continuity” ng pamamahala sa pamahalaan.
Ganito rin ang naging pahayag ng Pangulo na nagsabing tatakbo lamang siya sa pagkabise-presidente kung ang magiging pangulo niya ay isang kapartido at makakasundo sa pagpapatakbo sa gobyerno.
Ginawa ni Go ang pahayag matapos inomina ng national executive council ng PDP-Laban ang tambalan nina Sen. Go at President Duterte para isabak sa darating na halalan. (Daris Jose)