Training ng PBA teams simula na ngayon sa Pampanga
- Published on August 25, 2021
- by @peoplesbalita
Makakapagsimula nang mag-ensayo ngayong araw ang mga PBA teams sa Pampanga na magandang senyales na abot-kamay na ang restart ng PBA Season 46 Philippine Cup.
Unang aarangkada sa ensayo ang Alaska at Barangay Ginebra na nasa morning schedule ng liga.
Parehong alas-8 ng umaga ang training ng dalawang tropa kung saan sasalang ang Aces sa Colegio de Sebastian sa San Fernando, Pampanga habang ang Gin Kings ay magsasanay sa Beverly Place sa Mexico City.
Nakalinya rin ang Magnolia Hotshots sa Colegio de Sebastian at ang Blackwater Bossing sa Beverly Place sa parehong oras na 10:15 ng umaga.
Kasunod nito ang Meralco Bolts (Colegio de Sebastian) at NLEX Road Warriors (Beverly Place) sa alas-12:30 ng hapon at ang Phoenix Super LPG Fuel Masters (Colegio de Sebastian) at NorthPort Batang Pier (Beverly Place) sa alas-2:45 ng hapon.
Sa last batch ang Rain or Shine Elasto Painters (Colegio de Sebastian) at San Miguel Beermen (Beverly Place) sa alas-5 ng hapon at ang TNT Tropang Giga (Colegio de Sebastian) at Terrafirma Dyip (Beverly Place) sa alas-7:15 ng gabi.
Magkakaroon ng dalawang oras na ensayo ang bawat koponan kung saan may pagitan na 15 minuto ang bawat team para bigyang daan ang 15 minuto na disinfection procedure.
Iginiit din ni PBA commissioner Willie Marcial na sumailalim sa swab test ang lahat ng miyembro ng team bago simulan ang ensayo.
Mas magiging mahigpit ang swab testing sa oras na magsimula na ang liga.
Nakaabang pa rin ang PBA sa approval ng Office of the Governor para sa restart na planong ganapin sa Angeles University Foundation Arena at Don Honario Ventura State University sa Bacolor, Pampanga.