Alapag pinasalamatan ang Kings organization
- Published on August 21, 2021
- by @peoplesbalita
Pinasalamatan ni dating PBA player at Gilas Pilipinas team captain Jimmy Alapag ang Sacramento Kings organization matapos angkinin ang korona ng katatapos na NBA Summer League sa Las Vegas, Nevada.
“What an amazing experience here in Vegas for the NBA Summer League!!” wika ni Alapag kahapon sa kanyang Instagram account.
Ito ang ikalawang pagkakataon na napasama ang 43-anyos na playmaker sa coaching staff ni Kings’ coach Bobby Jackson sa nasabing pre-season tournament matapos noong 2019.
“Thankful to have been part of such a special group of people, from the coaching staff, trainers, and support staff, to the players,” ani Alapag. “Watching the team come together over the past few weeks was amazing to watch.”
Kinumpleto ng Kings ang 5-0 sweep sa NBA Summer League kasama ang 100-67 pagbugbog sa karibal na Boston Celtics sa kanilang championship game.
Umaasa si Alapag na makakasama sa coaching staff ni head coach Luke Walton sa pagsabak ng Kings sa NBA regular-season na magsisimula sa Oktubre 19.