6 dagdag na benepisyo sa health workers isinulong
- Published on August 20, 2021
- by @peoplesbalita
Makakakuha ang frontline health workers ng anim na dagdag na benepisyo tuwing may public health emergency, kapag naisabatas ang panukalang isinumite ni Sen. Kiko Pangilinan.
Layon ng “Health Workers Protection During Public Health Emergencies Act” ni Pangilinan na pagtibayin ang dagdag na benepisyo para sa public at private health care workers na may direktang contact sa mga taong may sakit tuwing may public health emergencies.
Layon ng panukala na magbigay ng buwanang Special Risk Allowance sa kabuuan ng State of National Emergency at Active Hazard Duty Pay na hiwalay sa hazard pay na ibinibigay sa ilalim ng Republic Act No. 7305 o the Magna Carta of Public Health Workers.
Ang Active Hazard Duty Pay ay katumbas ng 25 porsiyento ng arawang sahod ng healthcare worker batay sa bilang ng araw na sila’y nagreport sa trabaho.
Kabilang sa iba pang benepisyo ay ang libreng gastusin sa pagpapagamot kapag nahawa o nagtamo ng pinsalang may kinalaman sa trabaho ang health worker, bayad sa mga mahahawa habang naka-duty; libreng life insurance, transportation at pagkain; at supply ng Personal Protective Equipments at libreng at regular na health testing.
Ang kompensasyon kapag nagkasakit ay mula P15,000 kapag mild o moderate ang karamdaman, P100,000 kapag malala o kritikal at P1 milyon kapag pumanaw ang health worker.