MECQ puwede na sa NCR
- Published on August 20, 2021
- by @peoplesbalita
Kung ang medical adviser ng National Task Force against COVID-19 ang masusunod, puwede ng ibaba sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang National Capital Region na ngayon ay nasa pinakamahigpit na ECQ.
“Kung opinion ko lang ang masusunod, kung ako ang namumuno sa IATF, bababa ako sa MECQ at paiigtingin ko iyong mga Mayor, iyong mga LGU, iyong localized lockdown, testing at saka tracing doon sa mga lugar na ano. Para hindi lahat napapahamak iyong area na may clustering or pagdami masugpo kaagad, parang nagpapatay ka ng sunog sa iba’t ibang parte ng Metro Manila,” pahayag ni Dr. Ted Herbosa.
Sa ngayon aniya ay dalawa lamang ang pagpipilian ng Inter-Agency Task Force at ng technical advisory group, ang ipagpatuloy ang ECQ sa susunod pang dalawang linggo o ibaba sa modified ECQ.
Aminado si Herbosa na kailangan talagang balansehin ang kalusugan at ang ekonomiya dahil kung isyu ng medikal lang ang ikokonsidera, mas mabuting ituloy ang ECQ para bumababa pa ang transmission. Pero marami naman aniyang mawawalan ng trabaho at magugutom.
Kung ipatutupad aniya ang MECQ pagkatapos ng Agosto 20 ay dapat ipatupad ng mga local chief executive ang localized ECQ sa mga lugar na may outbreak o “clustering” ng kaso ng COVID-19. (Daris Jose)