LGUs, kinalampag ng Malakanyang na magpatupad ng hakbang na magko-kontrol sa pagdagsa ng tao
- Published on August 7, 2021
- by @peoplesbalita
IPINAG-UTOS ng Malakanyang sa mga opisyal ng local government units’ (LGUs) na magpatupad ng hakbang na magko-kontrol sa pagdagsa ng tao sa Covid-19 vaccination centers.
Ang babala ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ang kabiguan ng mga ito na maipatupad o gumawa ng hakbang sa bagay na ito ay malinaw na “dereliction of duty.”
Ang pahayag na ito ni Sec. Roque ay kasunod ng report na may hindi inaasahang dami ng bilang ng taong dumagsa sa vaccination centers sa Maynila lalo na sa SM San Lazaro.
Ipinakita sa report na ang vaccine turnout sa Maynila ay tumaas ng 22,000 mula sa usual daily numbers na 1,000 hanggang 2,000 kada vaccination site.
“Ang pinagbilin po ng Presidente, dapat unang-una, kino-control po talaga ang crowd. Pangalawa, kinakailangan makatao po. Hindi po puwede nagkakagulo,” ayon kay Sec. Roque.
Pinaalalahanan naman ni Sec. Roque ang mga opisyal ng LGUs na tiyakin na ang scheduling system ay nasusunod upang masiguro na may sapat na slots para sa mga magpapakita sa vaccination sites.
“Huwag naman po natin gawing super spreader events ang ating bakunahan because ang bakuna po will save lives, it should not endanger lives,” dagdag na pahayag nito.
Sinabi pa niya na kailangang kontrolin ng mga LGU officials ang dami ng tao dahil sapat naman ang resources para ipatupad ang minimum public health standards.
“Sapat po ang ating resources para magpatupad ng minimum [public] health standards at ang hindi po pagpapatupad niyan ay isang klase ng dereliction of duty ng ating mga lokal na opisyales,” aniya pa rin.
Giit ni Sec. Roque, ang pagpapabaya sa quarantine protocols sa Covid-19 vaccination sites ay maituturing na isang sakuna para sa bansa.
“Nananawagan po kami kinakailangan ipatupad ang minimum public health standards, otherwise, ‘yung ating bakunahan na ang objective ay makasalba ng buhay baka ‘yan pa ang maging dahilan ng pagkakasakit at pagkakamatay,” aniya pa rin. (Daris Jose)