15 PASAHERO, 3 CREW, NAILIGTAS NG COAST GUARD
- Published on July 29, 2021
- by @peoplesbalita
LABIN-LIMANG pasahero at tatlong crew members ang nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) Surigao del Norte sa katubigan ng Socorro Surigao del Norte matapos mabali ang propeller shaft ng motorbanca na MBCA RETREAT 1.
Sa inisyal na ulat mula sa coast guard Surigao del Norte sa PCG headquarters, nawalan ng rudder ang motorbanca sa baybaying sakop ng Bucas Grande. Island ang motorbanca kaya nagpasaklolo sa PCG upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero .
Agad namang nagsagawa ng search and rescue (SAR) kung saan namataan sa bisinidad ang motorbanca sakay ang nasabing mga pasahero.
Matapos mailigtas ang mga sakay nito, hinila naman ng PCG ang motorbanca sa Feeder Port, Socorro.
Ayon sa crew, umalis ang motorbanca sa Tiktikan Resort, Barangay Sudlon, Socorro, Surigao del Norte patungong General Luna, Siargao Island, Surigao del Norte.
Habang naglalayag sa katubigan ng isang milya sa Barangay Navarro, Socorro, Surigao del Norte, ang propeller shaft ng motorbanca ay aksidenteng nabali at nalaglag sa katubigan .
Maagap namang pinahinto ng master ang engine ng motorbanca upang maiwasan ang posible pang maaring mangyaring aksidente sa karagatan.
Habang naghihintay ng rescue, unti-unting inaanod ang motorbanca dahil sa malakas na hangin at alon.
Gayunman, matagumpay naman silang nasagip ng mga tauhan ng PCG. (GENE ADSUARA)