• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Travel ban sa Indonesia inutos ni Duterte

Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang travel ban sa Indonesia dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng mas nakakahawang Delta variant doon.

 

 

Ang travel ban sa Indonesia ay magsisimula ng 1 AM araw ng Huwebes at magtatapos hanggang sa Hulyo 31.

 

 

Lahat ng may biyahe mula sa Indonesia sa nakalipas na 14-araw ay hindi papasukin sa Pilipinas.

 

 

Habang ang mga pasahero na naka-transit na galing sa naturang bansa at lahat ng mga paparating na naririto na bago mag-12:01 ng Hulyo 16 ay papasukin sa bansa subalit kailangan nilang sumailalim sa 14-day facility quarantine at kailangan din sumailalim sa negative RT-PCR test.

 

 

Una nang pinalawig ang travel ban hanggang Hulyo 31 sa India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, at Oman na kinakitaan din ng pag-atake ng Delta variant.

 

 

Kasalukuyang nakararanas ang Indonesia ng ‘surge’ dahil sa Delta variant. Nitong Martes, record-high na 47,899 bagong kaso ng COVID-19 ang na­itala sa naturang bansa dahilan para magkaroon na ng kakapusan sa suplay ng oxygen sa naturang bansa.

 

 

Nais ng Pilipinas na maiwasan ang kahalintulad na krisis sa Indonesia makaraang makapagtala na ng 19 na kaso ng Delta variant ang bansa na pawang mga biyaherong Pilipino. (Daris Jose)