Trillanes, muli na namang sinopla ng Malakanyang
- Published on June 9, 2021
- by @peoplesbalita
SINOPLA ng Malakanyang si dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV nang sabihin nito na ire-reject ng mga botanteng Filipino ang “Duterte brand” sa eleksyon sakali’t magdesisyon si Davao City Mayor Sara Duterte na sumali at tumakbo sa presidential race.
Para kay Presidential Spokesperson Harry Roque , ang resulta ng 2022 presidential at vice presidential elections ang makapagsasabi sa posibilidad na kapalaran ng Duterte-Duterte tandem.
“Doon sa sinabi naman ni Senator Trillanes, well, I’m afraid he cannot claim to be the spokesperson of the people of this country. Malalaman lang po natin ang desisyon ng taumbayan pagkatapos po ng eleksiyon. Kaya nga po magkaroon tayo dapat ng eleksiyon,” ayon kay Sec. Roque.
Ipinagkibit- balikat naman ni Sec. Roque ang pahayag ni 1Sambayan coalition convenor Howard Calleja na naniniwala siyang ibabasura lang ng mamamayang Filipino ang Duterte-Duterte tandem, dahil nakikita na ng mga ito ngayon pa lang ang “selfish move” ng mag-amang Duterte.
“Well, sabi nga po ni [Health] Secretary Duque, see you on election day. Taongbayan po ang magdedesiyon diyan. At saka nakapagtataka naman, bakit kaya ang akala ng opposition, sila ang tagapagsalita ng taongbayan,” aniya pa rin.
Tinukoy ang Pulse Asia’s September 2020 survey results, sinabi nito na “less than 5 percent disapproved of Duterte’s performance as president.”
“E kung titignan mo mga surveys, wala pa pong limang porsiyento ang hindi sumusuporta sa ating Presidente. So mag-ingat po tayo, bagamat sinasabing kayo ang boses ng taongbayan, baka boses lang kayo ng isang barangay ,” ani Sec. Roque.
Sa kabilang dako, sinabi pa ni Sec.Roque na pinapayagan sa ilalim ng 1987 Constitution ang posibleng pagtakbo ni Pangulong Duterte sa pagka-pangalawang pangulo ng bansa.
“There is absolutely no ban for a president to run for vice president. If you can show me a provision which bars the president to run for the position of vice president, then, of course, the president will honor that prohibition. But as it is, there is no literal provision in the Constitution that states that principle,” aniya pa rin.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagdedesisyon ang Pangulo ukol sa nabuong resolusyon ng PDP-Laban na kinukumbinsi ang Punong Ehekutibo na tumakbo sa pagka-pangalawang pangulo ng bansa.
Noong nakaraang linggo, siniguro ni Sec. Roque na ang paggupo sa covid-19 at ang pagpapalakas sa vaccination drive ay nananatiling “top priority” ni Pangulong Duterte.
Inamin ni Sec. Roque na may opsyon ang Pangulo sa kung sino ang maaar niyang magin runniing mate kung saan kabilang dito sina Sara Duterte, Senator Christopher “Bong” Go, Senator Manny Pacquiao, dating Senator Bongbong Marcos, at Manila Mayor Isko Moreno. (Daris Jose)