Ravena paramdam na tuloy sa B.League
- Published on June 5, 2021
- by @peoplesbalita
UNANG bumulaga ang pasabog ng Shiga Lakestars napapirma na si Philippine Basketball Association star Kiefer Isaac Ravena ng NLEX bilang Asian Quota player o import sa 6th Japan B.League 2021-22 nitong Miyerkoles ng hapon.
Ilang oras ang nakalipas, nilabas ng statement ang North Luzon Expressway na naggigiit na kailangang sumunod sa UPC o Uniformed Players Contract ang 27-year-old, six-footer Ilonggo point guard ng Road Warriors.
Hinirit pa na ang posisyon ng team ay alinsunod lang sa UPC at polisiya ng pro league. Pero si Ravena tila nagparamdam na tuloy na ang pagsama sa batang utol na si Ferdinand ‘Thirdy’ Ravena III sa land of the Rising Sun.
Huwebes ng hapon, todo pasasalamat na siya sa NLEX management at ilang matatas opisyal na naging bahagi ng kanyang career sa PBA at sa Gilas Pilipinas o national men’s team.
“In light of Wednesday announcement, I would like to thank my team, Shiga Lakestars, for this once-in-a-lifetime opportunity. Thank you for the trust and belief that a Filipino can perform and play in such a prestigious league. Domo arigatou gozaimasu,” pahayag ng basketbolista.
Kung titimbangin ang post ni Ravena, pinayagan na siya ng big bosses ng koponan sa pangunguna ni owner Manuel V. Pangilinan.
Nagpasalamat na rin siya kina Metro Pacific Investment Corp. chief Rod Franco, team executive Ronald Dulatre, si coach/team manager Joseller ‘Yeng’ Guiao at mga kakampi. (REC)