Edad 12-15 posibleng isama na sa bakuna
- Published on May 29, 2021
- by @peoplesbalita
Posibleng makasama ang mga kabataang may edad 12 hanggang 15 taong gulang sa ‘vaccine priority list’ makaraang sabihin ng Department of Health (DOH) na kanilang pinag-aaralan na ito.
Sinabi ni DOH Vaccine Expert Panel head Dr. Nina Gloriani na pinag-uusapan na sa National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) kung paano sila magkakaroon ng rekomendasyon.
Nabatid na nag-aplay na ang Pfizer sa Food and Drug Administration (FDA) ng amendment sa kanilang ‘emergency use authorization (EUA)’ na makasama ang mga batang may edad 12-15 taong gulang sa maaaring mabigyan ng kanilang bakuna. Nakatakdang maglabas ng desisyon ang FDA ngayong linggo sa aplikasyon ng Pfizer.
Sa ngayon, kung ang isang bata na kasama sa naturang ‘age-group’ ay may comorbidity, pinag-aaralan kung maaari silang maisama sa A3 priority group.
Lumabas ang rekomendasyon na isama na ang mga bata na may naturang edad sa mga mababakunahan makaraan na isagawa na ito ng Estados Unidos at Canada.
Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi pa naisasama ang mga kabataan sa vaccination program dulot na rin ng patuloy na kakapusan sa suplay ng bakuna. (Daris Jose)