HOME SERVICE VACCINATION PARA SA MGA ‘BEDRIDDEN’ NA MANILENYO, ISASAGAWA
- Published on April 19, 2021
- by @peoplesbalita
MAGSASAGAWA ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng home service vaccination para sa mga “bedridden” na Manilenyo upang sila ay mabakunahan kontra COVID-19.
Kasunod ng paglulunsad ng “home service vaccination” , sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na sa pamamagitan nito ay mabibigyan din ng bakuna ang mga may karamdaman at walang kakayanang magtungo sa itatalagang vaccination sites ng lokal na pamahalaang lungsod.
Payo ng alkalde, ipalista lamang sa nakakasakop na barangay ang pangalan at tinitirhan ng isang bedridden patient na nais magpabakuna upang mapuntahan ito ng kawani ng Manila Health Department (MHD) at maturukan ng covid vaccine.
Pinayuhan din ng alkalde ang mga bedridden patients na magpakonsulta muna sa kanilang doktor bagao magpatala para sa vaccination lalo na ang may kinakaharap na comorbidity.
Samantala, batay sa pinakahuling datos ng MHD umabot na sa 72,141 frontline workers (A1), senior citizens (A2), at individuals with comorbidities (A3) ang nabakunahan na kontra COVID-19 sa Lungsod ng Maynila.
Patuloy naman ang isinasagawang bakunahan kontra COVID-19 ngayong araw kung saan kabilang sa babakunahan ang A1.1-A1.7 group, A2 group, at A3 group. Narito ang listahan ng vaccination sites para sa mga tatanggap ng kanilang first dose: District 1 – Emilio Jacinto Elementary School; District 4 – Ramon Magsaysay High School; at District 5 – Justo Lukban Elementary School
Makatatanggap na rin umano ng second dose ng bakuna ang medical frontliners mula sa A1.1-A1.7 group na nakakuha ng kanilang first dose noong March 2 hanggang March 18 kung saan ginaganap ang second dose vaccination sa Palacio de Maynila, Roxas Boulevard ngayong araw.
Patuloy naman ang paghihikayat ni Yorme Isko sa mga indibidwal na kabilang sa priority sectors na magpabakuna lalo na’t limitado pa ang bilang ng COVID-19 vaccines na dumarating sa bansa. Aniya, lahat ng interesadong magpabakuna kontra COVID-19 ay maaaring mag-register sa www.manilacovid19vaccine.ph
Paalala ng alkalde, sumunod pa rin sa mga health safety protocols at minimum public health standards partikular ang pagsusuot ng face mask at face shield at ang pag-oobserba ng physical distancing pagdating sa vaccination sites. (GENE ADSUARA)