DALAWANG WEEKEND SHUTDOWN ANG LRT
- Published on April 15, 2021
- by @peoplesbalita
DALAWANG weekend ngayon Abril na pansamantalang shutdown ang Light Rail Transit (LRT 1) para sa pagsasaayos ng kanilang linya at tren na sinimulan na noon pang Semana Santa.
Sa anunsyo ng Light Rail Manila Corporation o LRMC, walang operasyon ang LRT line 1 sa April 17 hanggang 18, at April 24 hanggang 25, 2021.
Ayon sa LRMC, magsasagawa ng maintenance and rehabilitation activities o pagsasaayos sa kanilang linya at mga tren at istasyon; at pagpapalit ng overheard cater art wires upang mapabuti pa ang serbisyon sa mga pasahero.
Ang pagsasaayos ng LRT 1 ay preparasyon din umano para sa inaasahang commercial use ng bagong Generation-4 trainsets sa ika-apat na quarter ng 2021.
Upang hindi naman mahirapan ang mga mananakay o commuters na maapektuhan sa pansamantalang weekend shutdown ay magdedeploy naman ang LRMC ng mga public utility buses sa Route 17 o Monumento hanggang EDSA via Rizal Avenue/Taft Avenue, alinsunod na rin sa Department of Transportation.
Wala rin umanong pagbabago sa service schedule ng LRT line 1 sa weekday o Lunes hanggang Biyernes, na 4:30am hanggang 9:15pm, northbound train; at 4:30am hanggang 9:30pm para sa southbound train.
Patuloy din ang paalala sa mga commuter na tumalima sa health protocols kontra COVID-19. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)