NAMEMEKE NG COVID TEST BINALAAN
- Published on April 9, 2021
- by @peoplesbalita
MULING nagbabala ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa mga mamemeke ng mga resulta ng COVID-19 test.
Ang babala ng MPD ay kasunod ng pagkakaaresto ng anim na indibidwal sa isang entrapment operation sa isang establisimyento sa Quiapo, Maynila kahapon.
Ayon sa pulisya, gumagawa at nagbebenta ng pekeng COVID-19 swab test results ng Philippine Red Cross (PRC) ang mga suspek.
Kabilang sa mga nahuling suspek ay apat na lalaki at dalawang babae na sinasabing sangkot sa ilegal na negosyo, na nagtatrabaho na isang “Yang General Merchandise shop.
Gumagawa rin umano ang mag suspek ng IATF travel authority, gamit ang Philippine National Police o PNP.
Nasabat ng mga pulis mula sa mga suspek ang ilang marked money, pera na nagkakahalaga ng P93,000, ilang computer at cellphone units, printer at mga dokumento.
Nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso ang anim na suspek kabilang ang paglabag sa Falsification by private individuals and use of falsified documents, Cybercrime Prevention Act of 2012 at iba pang paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code. (GENE ADSUARA)