• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pamunuan ng Philhealth inatasan na bilisan ang pagbabayad sa ospital

INATASAN ni Executive Secretary Salvador Medialdea si PHILHEALTH President Dante Gierran na bilisan ang pagpo- proseso ng pagbabayad sa mga ospital.

 

 

Ito’y sa harap na rin ng pahayag ng Private Hospital Association of the Philippines na napipilitan na silang magbawas ng mga tao bunsod na rin umano ng kakulangan na ng kanilang pondo dahil hindi pa bayad ang ibang claims.

 

 

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, naging malinaw naman ang mensahe ni Medialdea kay Gierran lalo’t 70 porsiyento ng healthcare capacity ay nasa kamay ng mga pribadong hospital.

 

 

Lalabas aniya na kung walang pondo ang mga pribadong ospital ay wala rin silang magiging kakayahan na gamutin ang mga nagkakasakit.

 

 

“Matapos po ang sampung oras na pagmi-meeting ng IATF noong Sabado, nag-meeting pa po kami, tatlong oras kasama po si Executive Secretary at si Senator Bong Go at isa sa mga pinag-meeting-an natin ay iyon ngang sa PhilHealth at nangako naman po si Director Gierran na bibilisan niya iyong proseso. Kasi mayroon nga pong nagsasabi na dapat tanggapin iyong proposal ng DBP na magbi-bills purchase ‘no or babayaran ng DBP ang mga pagkakautang ng PhilHealth tapos kukuha ng reimbursement sa PhilHealth.

 

 

Ang naging posisyon po ni Director Gierran kung kumpleto naman ang papeles eh bakit kinakailangan pang umutang sa DBP,” ayon kay Sec. Roque.

 

 

“So pinagbibigyan po natin ang PhilHealth sa gusto nilang mangyari pero malinaw po ang sinabi lalo na ni Executive Secretary Medialdea – sa panahon ng pandemya, kinakailangan bilisan ang pagbabayad sa mga pribadong ospital dahil 70% pa rin ng ating healthcare capacity ay nasa kamay ng mga pribadong hospital at kung walang pondo ang mga pribadong hospital, wala rin silang kakayahan na gamutin ang mga nagkakasakit. At tinanggap naman po iyang mensahe na iyan ni Atty. Gierran,” dagdag na pahayag nito.

 

 

Nauna nang nagmungkahi ang DBP na magpa -bills purchase na o sila na muna ang magbabayad ng pagkakautang ng PhilHealth at mula duon ay sila na ang kukuha ng reimbursement sa PhilHealth.