Paggamit ng gamot na IVERMECTIN laban sa Covid-19, walang basbas ni PDU30
- Published on April 8, 2021
- by @peoplesbalita
PINABULAANAN ng Malakanyang ang ulat na may basbas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang paggamit ng Ivermectin laban sa Covid -19.
“Hindi po noh? ang nangyari is nag-meeting noong Sabado ang IATF for almost 10 hours and one of the agenda na na-discussed po ay iyong Ivermectin at ni-report po ni Usec. Eric Domingo, Director-General ng FDA na mayroon na pong nag-apply ngayon noh? for compassionate use ng Ivermectin. So, puwede na pong i-process yan ng FDA. Hindi kagaya dati na walang naga-apply,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Kaya ang apela ni Sec. Roque na hintayin na lamang muna ang aksyon ng Food and Drug Administration sa mga naisampa nang aplikasyon para sa Ivermectin.
Sa ulat, muling idiniin ng Department of Health (DOH) na hindi nila nirerekomenda ang paggamit ng Ivermectin para sa paggamot sa COVID-19.
“Idinidiin po naming hindi inirerekomenda sa ngayon ang paggamit ng Ivermectin para po sa treatment o lunas ng mga pasyenteng may COVID19,” ani DOH Secretary Francisco Duque III sa ginanap na meeting kagabi kasama ang Pangulong Duterte ng IATF.
Ayon pa sa kanya, hindi pa napapatunayan na mayroong significant na epekto ang Ivermectin sa pagpapababa ng risk mortality o ang paggaling ng kalagayan ng mga pasyenteng may COVID-19 base sa kasalukuyang mga pag-aaral at mga ebidensiya mula sa mga eksperto.
Ayon sa advisory ng Food and Drug Administration (FDA) ang Ivermectin ay hindi aprubado bilang gamot sa viral infections. Sa kasalukuyan, ang nakarehistro sa FDA na “oral at intravenous” preparations ng Ivermectin ay ginagamit paggamot sa mga hayop laban sa mga ‘parasites’ at mapigilan ang pagkakaroon ng “heartworm disease.”
Dagdag pa ng FDA, lubhang mapanganib ang paggamit ng gamot ng hayop sa tao.
Samantala, walang Talk to the People si Pangulong Rodrigo Roa Duterte mamyang gabi.
Posible aniya na sa darating na Miyerkules na ito maganap.
Sinabi aniya ng Pangulo na ang huling pagdating ng Sinovac ay iyon na aniya ang huling pagsalubong sa mga bakuna.
Bagama’t inaasahan aniya na sunod-sunod na ang pagdating ng mga bakuna sa bansa.