9K pulis ikakalat sa 1,106 checkpoints sa ‘NCR Plus’
- Published on March 30, 2021
- by @peoplesbalita
Magpapakalat pa ng karagdagang 9,356 pulis ang Philippine National Police sa mga quarantine control checkpoints na sakop ng NCR Plus bubbles.
Sa ginanap na press conference, sinabi ni Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lt. Gen. Cesar Binag, paparahin sa 1,106 checkpoints sa NCR, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal ang mga motorista simula kahapon, Lunes.
Tiniyak ni Binag na magiging “flexible” ang mga pulis sa pagpapatupad ng regulasyon at maximum tolerance upang maiwasan ang anumang gulo.
“Gagawin natin ito para matulungan mapababa ang COVID-19 hindi para hadlangan ang mga kababayan. Yung arrest, maliban na lang kung maging hostile,” ani Binag.
Aniya, paaalalahanan sa protocol, iisyuhan ng tiket, dadalhin sa gym at bibigyan ng lecture ang mga maaaresto.
Tanging mga Authorized Persons Outside of Residence (APOR) o essential workers lamang ang palulusutin sa mga entry and exit checkpoints hanggang sa matapos ang ECQ sa Abril 4.
“Pag APOR sila palulusutin, pag UPOR (Unauthorized) pababalikin sila. Kaya nakikiusap kami na huwag na sila mag-insist, huwag na lumabas kasi pababalikin talaga namin sila,” dagdag pa ni Binag.
Hindi na rin kukunan ng body temperatures ang mga APOR. Kailangan lamang na magpakita ng ID o certificate of employment. (Daris Jose)