Pagbaba ng kaso ng COVID-19 aabutin ng 1 buwan – OCTA
- Published on March 26, 2021
- by @peoplesbalita
Aabutin pa ng isang buwan bago makita kung bababa ang kaso ng COVID-19 sa gitna ng paghihigpit sa community quarantine sa Metro Manila at apat na karatig probinsiya.
Ayon kay Dr. Guido David ng OCTA Research Team, posibleng makikita ang epekto ng mga “interventions” na ipinatutupad ng pamahalaan sa susunod na dalawa o tatlong linggo pero ang pinakatiyak ay sa loob ng apat na linggo o isang buwan.
Ginawang halimbawa ni David ang ipinatupad na modified enhanced community quarantine noong nakaraang taon kung saan umabot ng isang buwan bago nakita ang epekto.
Idinagdag naman ni Prof. Ranjit Rye na kasama rin sa OCTA Team na kailangan talagang higpitan ng gobyerno ang ipinatutupad na general community quarantine upang magkaroon ng positibong resulta.
Sinabi pa ni Rye na kailangang mag-adjust ang mga mamamayan at tumulong rin ang pribadong sektor at mga may negosyo.
Dapat aniya tiyakin na ligtas ang mga “work place” mula sa COVID-19 at kung maaari ay ipatupad ang work from home. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)