Lider ng Bayan Muna, utas sa shootout!
- Published on March 9, 2021
- by @peoplesbalita
Patay ang sinasabing lider ng militanteng grupong Bayan Muna sa lalawigang ito matapos umanong manlaban sa mga operatiba sa ikinasang pagsalakay bitbit ang isang search warrant kahapon ng madaling-araw sa Brgy. Salitran 1, Dasmariñas City.
Bulagta ang target sa operasyon na si Emmanuel Araga Asuncion, nasa hustong gulang, residente ng Block 2 Lot 5 Florenceville Subd., Salitran 1, Dasmariñas City, Cavite, at umano’y lider ng Bayan Muna movement organizations matapos may ilang minutong pakikipag-engkuwentro umano sa raiding team.
Sa ulat sa tanggapan ni Cavite Provincial Police director Col. Marlon Santos, alas-5:30 ng madaling araw nang ilatag ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-RFU4A), Dasmariñas City Police-PIB, MIG4 -ISAFP, Rizal Police at Police Regional Office 4A ang search warrant operations laban kay Asuncion na nasa CTG Target Personalities ng Cavite.
Bitbit ng grupo ang Search Warrant No. 21-31048-49 para sa kasong paglabag sa R.A 10591 at RA 9516 na inisyu ni Jose Lorenzo Dela Rosa, 1st Vice Executive Judge ng RTC, NCJR, Branch 4, Manila at isinilbi sa bahay ni Asuncion.
Gayunman, sa halip na sumuko, kumaripas umano ng takbo si Asuncion at nakipagpalitan pa ng putok sa mga operatiba.
Nang humupa ang habulan at engkuwentro, nakitang nakabulagta ang suspek at nakuha sa lugar ang isang caliber .45 pistol, dalawang magazine ng cal. 45 na kargado ng mga bala at 4-fired cartridges. (Gene Adsuara)