9 katao, kabilang ang 6 na Indian national arestado sa carnapping at estafa
- Published on June 30, 2025
- by @peoplesbalita
NAARESTO sa isang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) ang siyam na indibidwal kabilang ang anim na Indian nationals sa Paranaque City.
Sa press conference, kinilala ni NBI Director Judge Jaime Santiago ang tatlong Filipino na sina Teotima G.Batutay, Rose L.Torion at Michael D.Castulo at anim na Indian nationals na sina Sajjan Sarkar, Sai Charan, Kulvatnh Thati , Gayatri Sarma, Rat Anand at Nithin Kamepalli.
Sila ay naaresto dahil sa carnapping at syndicated estafa.
Nag-ugat ang operasyon mula sa reklamo na inihain laban sa mga suspek para marekober ang sasakyan ng complainant na ibinenta ng mga suspek na walang consent.
Ibinunyag ng complainant na nabigo siyang magbayad ng monthly amortization sa sasakyan ng suspek sa PSBank kaya inialok nito para sa ‘pasalo’ kung saan nagpasalin-salin ang sasakyan sa mga suspek.
Hinabol ng bangko ang complainant dahil hindi na ito nakakapagbayad ngunit hindi nito naibalik ang sasakyan.
Dito kinausap ng complaiannt ang mga suspek si Castulo para maibalik ang sasakyan ngunit siya ay hinihingan ng P450,000.
Bukod dito, binantaan ni Castulo ang complainant na ang kanyang sasakyan ay nachop-chop na dahilan para magpasaklolo ito sa NBI-NCR.
Ikinasa ang entrapment operation nang magkasundo ang complainant at si Castulo na magkita sa casino hotel sa Paranaque para sa hinihinging halaga.
Dito na inaresto ng mga ahente ng NBI-NCR ang mga suspek na mga miyembro ng sindikato na sangkot sa ‘assume balance-talon’ scheme.
Narekober din sa operasyon ang sasakyan ng complainant. (Gene Adsuara)