8 tiklo sa sugal at shabu sa Valenzuela
- Published on March 27, 2025
- by @peoplesbalita
BAGSAK kulungan ang walong sugarol matapos maaresto ng pulisya sa magkakahiwalay na anti-gambling operations kung saan apat sa kanila ay nakuhanan pa ng iligal na droga sa Valenzuela City.
Dakong alas-2:45 ng March 25 ng hapon nang maaktuhan ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban na nakatalaga sa Plice Sub-Station (SS9) sina alyas “Jerome” at alyas “Andrew” na naglalaro ng sugal na cara y cruz sa Justicia St., Brgy. Karuhatan at nakuha sa kanila ang P305 bet money, 3 piso coins na gamit bilang pangara at isang plastic sachet ng shabu na nakumpiska kay ‘Andrew’.
Kinagabihan bandang alas-11:20 nang madakip naman ng mga tauhan ng Gen T De Leon Police Sub-Station 2 sina alyas “Mark” at alyas “Pual” habang nagsusugal din ng cara y cruz sa Lower Tibagan, Brgy. Gen T De Leon. Nasamsam sa kanila ang P350 bet money, 3 piso coins na gamit bilang pangara at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nakuha kay alyas Mark.
Kinabukasan, dakong alas-7:00 ng umaga nang mahuli sa akto ng mga tauhan ng SS6 na nagka-cara y cruz sa Santiago St., Brgy. Dalandanan sina alyas “Jerico” at alyas “Luvin” at nakumpiska sa kanila ang bet money at 3 piso coins pangara habang ang isang plastic sachet ng shabu ay nakuha kay ‘Jerico’.
Tiklo naman sina alyas “John” at alyas “Jermy” nang maaktuhan ng mga tauhan ng SS5 na nagsusugal ng cara Y cruz din sa loob ng isang pampublikong palikuran alas-7:15 ng gabi sa Phase 3, Sagip St., Brgy. Arkong Bato at nasamsam sa kanila ang bet money, 3 piso coins pangara at dalawang plastic sachets ng shabu.
Ayon kay Col. Cayaban, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag PD 1602 at R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)