• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

8 indibidwal na wanted sa murder, nalambat sa Caloocan, Malabon

HIMAS-REHAS ang walong indibidwal na pawang may kinakaharap na mabibigat na kaso ng pagpatay ang nasakote ng pulisya sa magkahiwalay na manhunt operation sa Caloocan at Malabon Cities.

Kaagad iniutos ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili sa kanyang mga tauhan ang pagtugis limang kelot na nasa edad 19, hanggang 24 makaraang maglabas ng warrant of arrest ang Malabon Regional Trial Court (RTC) Branch 180, para sa kasong Murder ng walang inilaang kaukulang piyansa laban sa mga suspek.

Hindi na nakapalag ang mga akusado na pawang residente ng Malabon City nang matunton ng mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) sa kanilang hideout sa Brgy. Kaunlaran, Caloocan City.

Tatlo pang akusado sa kasong Murder, kabilang ang 23-anyos na barbero, isang SK Kagawad, at 24-anyos na tambay, na pawang may warrant of arrest na inisyu ng RTC Branch 170 ng Malabon City ang natimbog naman ng mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission sa magkahiwalay na lugar sa Brgy. Potrero.

Ani Gen. Capili, ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga wanted na indibidwal para tiyaking maihaharap sa hukuman ang mga taong may kinahaharap na mabibigat na kaso.

Patuloy niyang hinihikayat nang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga taong pinaghahanap ng batas at iba pang kahina-hinalang gawain. 

(Richard Mesa)