8 arestado sa tupada sa Malabon
- Published on December 29, 2021
- by @peoplesbalita
WALONG katao ang natimbog matapos salakayin ng mga awtoridad ang illegal na tupadahan sa magkahiwalay na lugar sa Malabon City.
Ayon kay PSSg Paul Colasito, nakatanggap ang mga oparatiba ng District Special Operation Unit (DSOU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PLTCOL Jay Dimaandal ng impormasyon hinggil sa nagaganap na illegal na tupada sa Block 40, Gold Fish Alley Brgy. Longos.
Agad bumuo ng team ang mga operatiba ng DSOU sa pangunguna ni PLT Melito Pabon saka pinuntahan ang naturang lugar kasama ang Malabon police dakong alas-4 ng hapon na nagresulta sa pagkakaaresto kay Alfredo Montilla, 63, Marvin Vendivil, 31, at Cornelio Solayao, 49.
Narekober ng mga pulis ang dalawang patay na panabong na manok na may tari at P500 bet collection.
Nauna rito, dakong alas-11:20 ng umaga nang salakayin ng mga operatiba ng DSOU sa pangunguna din ni PLT Pabon sa ilalim ng pangangasiwa ni PLTCOL Dimaandal ang isa ring illegal na tupadahan sa Block 17 Dagat-dagatan, Brgy. Longos na nagresulta sa pagkakaaresto kina Jhonwayne Macabio, 43, Lamberto Tulyo, 40, Pablo Laban, 44, Rogelio DepeƱa, 56 at Richard Camacho, 43.
Nasamsam ng mga operatiba ang dalawang patay na panabong na manok na may tari at P11,000 bet collection. (Richard Mesa)