700 miyembro ng Parañaque IATF tutok sa Undas 2025
- Published on October 31, 2025
- by @peoplesbalita
NASA 700 tauhan ng Parañaque Inter-Agency Task Force Oplan Undas 2025 ang ipinakalat sa lungsod sa iba’t ibang sementeryo sa paggunita ng Undas 2025, ayon kay Mayor Edwin Olivarez.
Ang Manila Memorial Park, Loyola Memorial Park, Parañaque Catholic Cemetery, at Himlayang Palanyag, ay apat na pangunahing sementeryo na tututukan ng inter-agency task force ng lungsod para sa Oplan Undas 2025 para sa seguridad at pamamahala ng trapiko, public assistance at pagpapanatili ng kalinisan.
Ang inter-agency task force ay binubuo ng 392 miyembro ng Philippine National Police (PNP) personnel, 100 tauhan ng Traffic and Parking Management Office (TPMO), 150 mula sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO), at 29 mula sa Metro Manila Development Authority (MMDA). Karagdagan o force multipliers ang itinalaga naman na tauhan mula sa 16 na barangay.
Ipinaaalala rin na bawal sa sementeryo ang pagdadala ng firearms at bladed weapons; alcoholic beverages; sound systems na malalakas, iligal na droga, flammable items, baraha at iba pang gamit sa pagsusugal at mga alagang hayop, maliban sa Loyola Memorial Park, na may pansariling alituntunin sa pagdadala ng alagang hayop.