7 katao, kulong sa cara y cruz at droga sa Valenzuela
- Published on June 4, 2025
- by @peoplesbalita
PITONG sugarol ang arestado sa magkakahiwalay na anti-ilegal gambling operation ng pulisya kung saan nakuhanan pa ng droga ang apat sa kanila sa Valenzuela City. Sa ulat ni P/MSgt. Carlito Nerit Jr. kay Valenzuela Police OIC chief P/Col. Relly Arnedo, dakong alas-10:15 ng gabi nang maaktuhan ng mga tauhan ng Dalandanan Police Sub-Station 6 sina alyas “Jessie”,39, at alyas “Angelo”, 30, na nagsusugal ng cara y cruz sa Juana Dilag 1 D Santiago St., Brgy. Malanday.
Nasamsam sa lugar ang P250 bet money, tatlong peso coins na gamit bilang pangara habang ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay nakuha kay alyas Jessie.
Alas-11:05 naman ng gabi nang maaresto ng mga tauhan ng Paso De Blas Police Sub Station 1 sina alyas “Oscar”, 50, at alyas “Boy”, 27, habang nagsusugal ng cara y cruz sa Francisco Compd., De Castro Subdivision, Brgy. Paso De Blas.
Nakumpiska ng mga pulis ang talong peso coins na gamit bilang pangara, P470 bet money at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakuha kay alyas Oscar.
Sa Brgy. Polo, huli sa akto ng mga tauhan ng Polo Police Sub-Station 5, sina alyas “Joy” at alyas “Edward”, na abala sa paglalaro ng illegal na sugal na cara y cruz sa Dilag St., Coloong 1, Brgy. Coloong dakong alas-10:30 ng umaga.
Nakuha kay alyas Joy ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu habang ang tatlong peso coins na gamit bilang pangara at P290 bet money ay nasamsam sa lugar ng pinaghulihan sa mga suspek.
Samantala, nadakip naman ng mga tauhan ng Marulas Sub Station 3 si alyas “Kevin”, 36, na nagpapataya ng sugal na ‘Ending’ sa Tamaraw Hills, Brgy. Marulas alas-3:15 ng hapon at nakuha sa kanya ang Ending card, bet money at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu. (Richard Mesa)