604,000 informal workers, natulungan ng TUPAD ng DoLE
- Published on September 23, 2020
- by @peoplesbalita
UMABOT na sa mahigit 604,000 informal workers ang nabigyan ng tulong at pagkakakitaan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD program ng Department of Labor and Employment (DoLE) simula nang tumama ang Covid-19 pandemic.
Sa Laging Handa Public Press Briefing ay sinabi ni Atty. Ma. Karina Perida-Trayvilla, Director, DOLE-Bureau of Workers with Special Concerns na karamihan sa mga natulungan ng programa ay pawang mga vendors, mga self employed, tsuper na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya.
Sa naturang programa, magtatrabaho ang isang benepisyaryo ng 4 na oras kada araw sa loob ng 15araw kapalit ng minumun na sahod sa kanilang rehiyon.
Ang ilan sa itinokang trabaho sa mga ito ay disinfection sa kanilang sariling tahanan at barangay, paglilinis ng baradong estero, paglilinis ng kalat, pagkukumpuni o minor repairs sa mga evacuation centers at paaralan, basic services o pagbibigay ng tulong at personal protective equipment tulad ng mask sa kanilang mga ka-brgy.
Ang paliwanag pa ni Atty. Trayvilla, bago sumabak sa trabaho ang mga benepisyaryo idadaan muna sila sa seminar at pagkakalooban ng gamit at safety equipments upang maprotektahan ang sarili sa banta ng Covid- 19. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)