• February 26, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

60 KARAGDAGANG BAHAY, IPINAGKALOOB NG NHA SA MGA PAMILYANG NAAPEKTUHAN NG BAGYONG PABLO

PORMAL nang ipinagkaloob ng National Housing Authority (NHA) ang 60 housing units sa Balai Maal’lag Housing Project (On-Site) sa Barangay Andap, New Bataan, Davao De Oro.

Sa ilalim ng gabay ni NHA General Manager Joeben A. Tai, ang seremonyang ito ay bahagi ng patuloy na pangako ng NHA na magbigay ng permanenteng pabahay para sa mga pamilyang nawalan ng tirahan sa ilalim ng Housing Assistance Program for Calamity Victims (HAPCV).

Ang Balai Maal’lag Housing Project ay isang housing site na nakalaan para sa mga pamilyang nasalanta ang mga tahanan ng Bagyong Pablo. Ang mga benepisyaryo ay dating naninirahan sa Andap Resettlement Project, na idineklara ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) bilang isang “landslide-prone area.” Sa kabuuan, 315 kabahayan ang itinayo on-site, habang 19 na pamilya naman ang piniling ipatayo ang kanilang mga bahay sa labas (off-site) ng nasabing lugar, base sa rekomendasyon at pag-apruba ng MGB.

Ang proyektong ito ay ipinatutupad bilang isang “grant,” na nangangahulugang ang mga benepisyaryo ay inililipat sa mga housing site nang walang bayad, sa kondisyong susunod sila sa mga tuntunin at regulasyon ng NHA.

Bilang kinatawan ni NHA GM Tai, pinangunahan nina NHA Region XI Officer-in-Charge Engr. Shariffuddin I. Nami, at District 2 Manager Gerold P. Namoc ang seremonya. Dumalo rin sa kaganapan sina New Bataan Mayor Mar Bianca F. Cualing-Brua at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan upang suportahan ang mga benepisyaryo.

Ang kaganapang ito ang ikatlong turnover ceremony na isinagawa sa nasabing project site. Matatandaang 21 pamilya ang nakatanggap ng kanilang mga yunit noong Oktubre 2024, na sinundan naman ng 60 pang yunit para sa mga kwalipikadong benepisyaryo noong Agosto 2025.
(PAUL JOHN REYES)