60-anyos retirement age sa DepEd employees, isinulong
- Published on August 2, 2022
- by @peoplesbalita
PARA masuportahan ang pamahalaan sa plano na i-streamline ang burukrasya, isinusulong ni Sen. Chiz Escudero ang panukalang gawing mandatory ang pagreretiro ng mga kawani ng Department of Education (DepEd) sa edad na 60-anyos mula sa kasalukuyang 65 taong gulang.
Sa Senate Bill no. 58 o ang New Department Retirement Act na inihain ni Escudero, sakop nito ang lahat ng regular na kawani ng DepEd kabilang ang mga guro sa pampublikong paaralan na umaabot na sa 800,000 sa kasalukuyan.
Sakaling maging ganap na batas, mabebenipisyuhan nito ang libu-libong retireable DepEd personnel na nasa teaching at non-teaching na gustong gamitin pa ang mga natitira nilang panahon sa ibang trabaho bukod sa kanilang nakagawian na trabaho sa gobyerno.
Idinagdag pa ng Senador na chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, mas dapat na bigyan ang mga kawani ng gobyerno na magkaroon ng mahaba-habang panahon para sa kanilang pamilya.
Nakasaad naman sa panukala na maaaring payagan ang mga kawani ng DepEd na ituloy ang kanilang serbisyo hanggang sa umabot ang kanilang edad sa 65 kung siya ay may 15 taon nang serbisyo sa departamento.