6 na BI personnel, sinibak dahil sa ‘unauthorized privileges’ sa Russian vlogger- Malakanyang
- Published on January 27, 2026
- by @peoplesbalita
KINUMPIRMA ng Malakanyang na anim na Bureau of Immigration (BI) personnel ang sinibak sa puwesto kasunod ng di umano’y ‘unauthorized privileges’ na pinagkaloob sa Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy sa panahon ng kanyang pagkakakulong.Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na isang warden ang nagsumite ng kanyang courtesy resignation, na kagya’t namang tinanggap habang dalawa naman na deputy wardens ang sinibak mula sa kanilang puwesto“Three additional BI employees were also sacked in connection with the incident,” ayon kay Castro.Matatandaang inaresto si Vitaly ng mga awtoridad dahil sa umano’y pangbabastos at panggugulo sa mga Pinoy para sa kanyang content.Sa isang livestream kasama si Adin Ross kamakailan lang, lantaran niyang ikinuwento ang sinapit niya sa loob ng piitan mula sa matinding init, kakulangan sa basic needs, hanggang sa umano’y malalim na katiwalian sa detention center.Ayon kay Zdorovetskiy, hindi biro ang mga kondisyon sa loob ng kulungan na kanyang pinagdaanan.Ibinahagi ng vlogger na ang unang tatlong buwan niya sa kulungan ay isang complete isolation.Inilarawan niya ang kulungan bilang siksikan, marumi, at sobrang init, kung saan umaabot umano sa 35 degrees Celsius ang temperatura at halos walang maayos na bentilasyon.Para lang makayanan ang init, napipilitan daw ang mga preso na magbuhos ng tubig sa katawan gamit ang timba.Mas ikinabahala ng netizens ang kanyang pahayag na kontrolado raw ng mga guwardiya ang mga basic needs ng mga nakakulong mula sa inuming tubig, panglinis ng katawan, hanggang sa pagpapatingin sa doktor.“Access to basic needs depended on the guard. Sometimes I had to pretend to faint just to get water,” ang sinabi pa nito.Dagdag pa niya, madalas ay mabagal at hindi maaasahan ang tulong-medikal sa loob.Isa sa pinakamatinding rebelasyon ni Zdorovetskiy ang pag-amin na may cellphone siya sa buong panahon ng kanyang pagkakakulong.Diretsahan niyang sabi: “I had a phone the whole time in jail. I logged everything, and I will expose the corruption.”Ayon sa kanya, madaling makalusot ang mga ipinagbabawal na gamit tulad ng cellphone basta may kapalit na pera.“You pay the guard, and you are good,” pagbubunyag niya.Naipa-deport na siya pabalik sa Russia at hindi na papayagang makabalik muli sa Pilipinas.“Ang pagbibigay po at pag-a-allow ng paggamit ng cellphone ay para makausap lamang ang kanilang pamilya. At hindi po allowed na sila ay gumawa ng anumang video. Ang paggawa po ng video ng nasabing Russian vlogger ay hindi po naaayon sa rules at ito po ay walang authority o hindi awtorisado ng nasabing facility,” ang sinabi naman ni Castro.Idinagdag pa ni Castro na ipinag-utos ng Pangulo ang masusing imbestigasyon sa usapin.“Alam naman po ng bawat ahensiya…na nais ng Pangulo na malinis ang gobyernong ito mula sa korapsyon… Kung mahal nila ang kanilang trabaho at mahal nila ang bayan, sundin lamang po nila ang utos ng Pangulo,” aniya pa rin.Samantala, ang karagdagang aksyon kabilang na ang posibleng karagdagang disciplinary measures o isang reshuffle, ay depende sa kalalabasan ng nagpapatuloy na imbestigasyon. (Daris Jose)