6 drug suspects, timbog sa drug den sa Valenzuela, P408K shabu, nasabat
- Published on May 10, 2025
- by @peoplesbalita
MAHIGIT P.4 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang high-value individual (HVI) drug pusher nang maaresto, kasama ang lima pa sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Josefino Ligan, kinilala ni P/Major Jeraldson Rivera, hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ang suspek na si alyas “Wangbu”, 38, residente ng lungsod.
Ayon kay Major Rivera, positibo ang natanggap nilang impormasyon hinggil sa illegal drug activities ni alyas Wangbu kaya ikinasa nila ang buy bust operation, katuwang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Sub-Station 3 ng Valenzuela City Police, sa koordinasyon sa PDEA.
Nang matanggap ang signal mula sa isa nilang kasama na hudyat na positibo na ang transaksyon, agad pinasok ng mga operatiba ng DDEU ang isang bahay sa Phase 2, Lahuerta, Brgy. Marulas saka dinamba ang suspek dakong alas-3:35 ng madaling araw.
Kasama ring inaresto ng mga operatiba ng DDEU ang lima pang suspek na edad 34, 38, 33, 38, at 41, matapos maaktuhang sumisinghot umano ng shabu sa loob ng naturang bahay na ginagawa umanong drug den ni alyas Wangbu.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 60 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P408,000, at buy bust money na isang tunay na P500 bill at limang pirasong P1,000 boodle money at drug paraphernalias.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.
“This accomplishment underscores the effectiveness of NCRPO’s AAA Strategy—Able, Active, and Allied—a holistic approach to reducing crime and combating illegal drug activities. By enhancing skills, proactive operations, and building strong community partnerships, NCRPO ensures seamless efforts to prevent crime and promote safer neighborhoods across Metro Manila,” ani Police Major General Anthony A Aberin, Regional Director ng NCRPO. (Richard Mesa)