• February 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

58 mga bagong talagang opisyal, nanumpa sa Malacanang

HIGIT sa 58 na mga bagong appointee ang nanumpa sa Malakanyang na pinangunahan ni Executive Secretary Ralph Recto.
Sa naging mensahe ni Recto, sinabi nitong hindi gantimpala o simbolo ng pribilehiyo ang kanilang pagkakatalaga sa gobyerno kundi isang sagisag ng paglilingkod sa sambayanang Pilipino.
“Hindi ito titulo para tumaas ang tingin sa sarili. Ito ay panunumpang ibaba ang sarili para iangat ang taumbayan,” ayon kay Recto.
Binigyang-diin ni Recto na may kaakibat na buong bigat ng pananagutan ang kanilang pagkakahirang sa tungkulin at hindi na lamang nakatali sa kanilang sarili, kundi pati sa reputasyon ng administrasyon at sa tiwala ng mamamayan.
Hinimok din ni Recto ang mga bagong talagang opisyal na panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng pamamahala o governance.
Kailangan din aniyang nakatuon ang kanilang pansin sa mga resulta kaysa sa mga headline habang hindi aniya titulo ang kanilang mga posisyon kundi panunumpang ibaba ang sarili para iangat ang taumbayan.
( Daris Jose)