• April 26, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

5,754 karagdagang contact tracers idedeploy sa Metro Manila-DILG

Nakatakdang mag-deploy ang pamahalaan ng 5,754 na karagdagan pang contact tracers sa Metro Manila kasunod na rin ng surge ng COVID-19 cases sa rehiyon.

 

 

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, lumagda na sila ng kasunduan, kasama ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Metro Manila Development Authority (MMDA) para rito.

 

 

Sa ilalim aniya ng kasunduan, ide-deploy ang mga naturang contact tracers sa loob ng tatlong buwan, na may minimum wage na P537 kada araw.

 

 

Sa ngayon aniya ay mayroon 13,304 aplikante at 2,696 sa mga ito ang kuwalipikado sa posisyon.

 

 

“Simula na ng kanilang pagtatrabaho bilang contact tracers at simula na rin ng dagdag na alalay at pag-asa para sa ating mga kababayan na makakabangon tayong muli mula sa pandemyang ito,” ani Año.

 

 

Nabatid na sa 5,754 bagong contact tra­cers, pinakamarami ang itatalaga sa Quezon City na nasa 1,347.

 

 

Nasa 713 naman ang itatalaga sa Caloocan City; 707 sa Maynila; 349 sa Pasig; 333 sa Taguig; 302 sa Pa­rañaque; 278 sa Valenzuela; 259 sa Makati; 234 sa Muntinlupa; 268 sa Las Piñas; 209 sa Marikina; 192 sa Pasay; 171 sa Mandaluyong; 161 sa Navotas; 152 sa Malabon; 47 sa San Juan at 32 sa Pateros.

 

 

Matatandaang sinabi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na naglaan sila ng P280.714 milyon para sa pagkuha ng mga bagong contact tracers, sa ilalim ng kanilang Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Wor­ker (TUPAD) Program. (Gene Adsuara)