51% Pinoy tiwala sa vaccine program ng government – SWS
- Published on May 24, 2021
- by @peoplesbalita
Marami pa ring mga Filipino ang nagtitiwala sa vaccination program ng gobyerno laban sa COVID-19.
Lumabas sa survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) na 51% ang nagsabi na nagtitiwala sa programa ng gobyerno na kinabibilangan ng 18 percent ang tinawag na “very confident” habang 34 naman ang medyo kampante.
Samantala 31% ang hindi tiyak o “uncertain” at 17 percent ang “not confident” o hindi kumpiyansa.
Isinagawa ang survey mula Abril 28 hanggang Mayo 2 kung saan tinanong ang mga ito kung magpapaturok ba sila ng COVID-19 vaccine sa mga bakuna na aprubado ng Food and Drugs Administration.
Ikinagalak naman ng Malacañang na tumaas ang confidence ng mga mamamayan at nakakaimpluwensiya rin ang pagpapabakuna ng mga kakilala at kapitbahay.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na makikita naman ng mga mamamayan ang mga aprubadong bakuna hindi lamang ng Pilipinas kundi maging ng World Health Organization.
Ikinatuwa rin ng Malacañang na 30% pa ang dapat kumbinsihin kaya balak nilang maglabas ng infomercial.
Hindi rin aniya susukuan ng gobyerno ang 17% na walang tiwala dahil mahalagang mabakunahan ang lahat ng Pilipino. (Daris Jose)