50% BAWAS SA PAGGAMIT NG GASOLINA NG MANILA LGU, INIUTOS NI YORME ISKO
- Published on March 4, 2026
- by @peoplesbalita
AGAD na nagpatupad si Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ng 50 porsiyentong pagbawas sa konsumo ng gasolina sa operasyon ng pamahalaang lungsod bilang paghahanda sa inaasahang pagtaas ng presyo at kakulangan sa langis na dulot ng epektibong pagsasara ng Strait of Hormuz at lumalalang sigalot sa Iran.
Sa ilalim ng Executive Order No. 7, series of 2026 na nilagdaan noong Lunes, Marso 2, sinabi ni Domagoso na ang “patuloy na armadong tunggalian sa Middle East at ang Operation Epic Fury (ang pinagsanib na opensiba ng US at Israel laban sa Iran) ay posibleng magdulot ng matinding pag-uga sa pandaigdigang merkado ng langis, pagkaantala ng suplay, at pagtaas ng presyo ng krudo na may masamang epekto sa pambansa at lokal na ekonomiya pati na sa pananalapi ng Lungsod ng Maynila.”
“Ipinahayag ng Iran ang blockade sa Strait of Hormuz, kaya’t pisikal na nahaharangan ang daloy ng 20% ng suplay ng langis sa buong mundo,” dagdag ng alkalde.
“Kinakailangang kumilos ang pamahalaang lungsod ng Maynila upang mapangalagaan ang pondo ng bayan, mapanatili ang mahahalagang serbisyo publiko, at mabawasan ang epekto ng kakulangan at pagtaas ng presyo ng gasolina sa pamamagitan ng agarang hakbang sa pagtitipid,” aniya.
Sa direktiba, inatasan ang lahat ng departamento, kawanihan, at tanggapan ng lungsod na magpatupad ng hindi bababa sa 50% na pagbawas sa paggamit ng gasolina, kabilang ang sa mga sasakyang de-motor, generator, heavy equipment, at iba pang kagamitang gumagamit ng fuel na pag-aari, inuupahan, o pinatatakbo ng lungsod.
Hinimok din ang mga tanggapan na i-optimize ang mga ruta ng sasakyan, pagsamahin ang mga delivery, at bawasan ang hindi kailangang biyahe.
Kabilang sa agarang ipinatutupad ang pagbabawal sa lahat ng hindi mahalagang paglalakbay ng mga opisyal at kawani ng lungsod.
Ang “Non-essential Travel” ay tumutukoy sa mga biyahe na maaaring ipagpaliban, palitan ng virtual meeting, o iwasan nang hindi naaapektuhan ang serbisyo publiko.
Sinuspinde rin ang lahat ng “lakbay-aral” at mga biyahe sa ibang bansa maliban kung itinuturing na kritikal sa operasyon ng lungsod.
Inatasan ang mga tanggapan ng lungsod—maliban sa mga ospital at pasilidad pangkalusugan—na magpatupad ng pagtitipid sa kuryente, kabilang ang pagpatay ng suplay ng kuryente pagsapit ng alas-5 ng hapon. Ang mga pagpupulong sa 896 barangay ng Maynila, 44 na health center, pitong ospital, at mga district satellite office ay isasagawa online.
Ang mga seremonya ng pagtatapos sa lahat ng pampublikong elementarya at sekondaryang paaralan ay gagawin na lamang sa kani-kanilang kampus upang mabawasan ang biyahe at gastusin ng mga pamilya.
Pinahihintulutan din sa kautusan ang staggered shifts, compressed workweek, at work-from-home arrangements kung maaari, at inaatasan ang pagbawas sa hindi mahalagang ilaw at pagsasaayos sa heating, ventilation, at air-conditioning systems sa mga pasilidad ng lungsod.
Hindi saklaw ng mga restriksyon ang mga operasyong pang-emergency tulad ng pulisya, bumbero, at ambulansiya; serbisyong pangkalusugan at disaster risk reduction; koleksyon at paghakot ng basura; pamamahala ng trapiko; at iba pang serbisyong itinuturing na mahalaga ng alkalde.
Ang mga lalabag sa mga patakaran sa biyahe at paggamit ng gasolina ay sasailalim sa administratibong imbestigasyon at posibleng mapatawan ng parusa alinsunod sa civil service rules, kabilang ang suspensyon ng fuel privileges at iba pang kaparusahan.
Agad na ipatutupad ang kautusan at mananatiling epektibo hanggang sa ideklara ng alkalde na bumalik na sa normal ang kondisyon ng suplay ng gasolina.
(Gene Adsuara)