5 tambay, isinelda sa sugal, droga sa Valenzuela
- Published on October 18, 2025
- by @peoplesbalita
SHOOT sa selda ang limang tambay, kabilang ang dalawa umanong sangkot sa droga matapos maaktuhan ng mga pulis na naglalaro ng illegal na sagul sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
sa kanyang report kay Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento, sinabi ni P/MSgt. Carlito Nerit Jr. na habang nagpapatrulya ang mga tauhan ng Karuhatan Police Sub-Station 9 sa kahabaan ng Serrano St., Brgy. Maysan nang maaktuhan nila ang dalawang lalaki na naglalaro ng sugal na ‘cara y cruz’ dakong alas-3:15 ng hapon.
Hindi na nakapalag ang dalawa nang dambahin ng mga pulis at nakumpiska sa kanila ang bet money at tatlong peso-coins na gamit bilang pangara habang ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ay nakuha kay alyas “Nato”, 24, ng Brgy, Malinta.
Nauna rito, nadakip naman ng rumespondeng mga tauhan ng Ugong Police Sub-Station 8 ang tatlong lalaki nang maaktuhang nagsusugal ng ‘Dice’ sa gilid ng Disiplina Village, Brgy. Ugong.
Nasamsam sa mga suspek ang bet money, at isang dice habang ang isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu ay nakumpiska kay alyas “Alwin”, 48, ng Kaybiga, Caloocan City.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 o ang Anti-Illegal Gambling Law habang karagdagan pa na kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin ni ‘Nato’ at ‘Alwin’. (Richard Mesa)