• April 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

5 sako na ng buto nakuha sa Taal Lake – PCG

UMABOT na sa limang sako na pinaniniwalaang buto ng tao ang nakasilid ang nakuha ng technical divers ng Philippine Coast Guard nitong Sabado, sa patuloy na search and retrieval operations sa Taal Lake, sa Laurel, Batangas.

Ayon kay PCG ­Southern tagalog Commodore Geronimo Tuvilla, kakaiba ang nakuha dahil may pabigat umano ang mga sako bago naiahon nitong Sabado.

Naging hamon ang malakas na current at pagiging zero visibility dahil sa wala na kaagad makita kaya dahan-dahan ang pagsuyod. “Pagbaba mo pa lang wala ka na halos makita, zero visibility, kapa-kapa, sinusuyod pa rin nila dahan-dahan, ‘yung mga inisyal na makapa nila doon na unusual ay minamarkahan na agad, so that when the SOCO, CIDG, NBI arrive, (they) will be able to pick it up carefully from the bottom,” ani Tuvilla.

Saksi ang Scene of the Crime Operatives (SOCO), mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI) dahil may technicalities na ikinokonsidera sa pagkuha ng “item”, ayon sa PCG.

Nilagyan din ng ­markings o “bouys” ang pinagkuhanan na magsisilbing reference o entry point upang alam ng mga divers ang kanilang babalikan.

Alas-8 ng umaga nang makapa ang nasabing sako na may pabigat at pasado alas-2 ng hapon nang maiahon ang sako, at pagsapit ng alas-2:46 ng hapon ay isa pang sako ang narekober.

Babalikan upang iahon umano ang bagay na nagsilbing pabigat sa mga sako upang gamiting ebidensya. (Daris Jose)