5 PUGANTENG JAPANESE NATIONAL, PINA-DEPORT
- Published on April 8, 2026
- by @peoplesbalita
PINA-DEPORT ng Bureau of Immigration (BI) ang limang puganteng Japanese national na sangkot sa fraud syndicate patungong Tokyo.
Ayon kay BI Warden Facility Chief Velasco Felix, ang mga pina-deport ay kinilalang sina Iwamoto Miyako, 34; Osawa Ayumi, 33; Norichika Harada, 48; Nobuyuki Arima, 45; at Yuya Yano, 34 na sakay ng Japan Airlines flight patungong Tokyo mula sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Nauna nang inaresto ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI ang grupo sa magkahiwalay na operasyon sa Bulacan at Quezon dahil sa umano’y pagkakasangkot sa mga aktibidad na panloloko at pagnanakaw sa Japan.
Kinilala ng mga awtoridad na ilan sa kanila ay miyembro ng humiwalay na grupo ng kilalang “JP Dragon” syndicate, na sangkot sa malakihang scam operations na target ang mga biktima, kabilang ang mga nakatatanda.
Naglabas na ng arrest warrants ang mga awtoridad ng Japan laban sa kanila kaugnay ng mga kasong fraud at theft, kabilang ang mga modus kung saan nililinlang ang mga biktima upang ibigay ang kanilang bank information at pera. Kinumpirma rin ng BI na ang mga pugante ay sangkot sa kahina-hinalang aktibidad sa Pilipinas, kabilang ang pagpapatakbo ng mga online workstation na may kaugnayan sa scamming operations.
“Ibinabalik namin sila upang harapin ang hustisya. Magsilbi sana itong malinaw na babala — hindi pahihintulutan ng Pilipinas na gawing kanlungan ng mga sindikatong kriminal ang bansa. Hahanapin namin kayo, at ipapa-deport namin kayo,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.
Kasama rin ang kanilang pangalan sa blacklist ng BI, na nagbabawala na muling makapasok sa bansa sa hinaharap.
(Gene Adsuara)