5 nalambat sa buy-bust sa Caloocan at Malabon
- Published on July 27, 2021
- by @peoplesbalita
LIMANG hinihinalang drug personalities ang arestado sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan at Malabon cities.
Ayon kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant hinggil sa umano’y illegal drug activities ni Christian Mendioro, 44, watch-listed, kaya isinailalim ito sa isang linggong validation.
Nang makumpirma ang ulat, agad ikinisa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PMAJ Deo Cabildo, kasama ang 6th MFC RMFB-NCRPO ang buy bust operation sa No. 83 Baltazar St., Brgy. 69 dakong alas-2:30 ng madaling araw na nagresulta sa pagkakaaresto kay Medioro matapos bentahan ng P7,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.
Nasamsam sa suspek ang humigit kumulang sa 15 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P102,000 at buy bust money na isang tunay na P500 bill at 7 pirasong P1,000 boodle money.
Sa Malabon, natimbog din ng mga operatiba ng Malabon Police SDEU sa ilalim ng pamumuno ni Col. Albert Barot sina Hermie Fabilane, 34, Marvin Fabilane, 36, Jhon Rick Berania, 19 at Reggie Tumanday, 24, sa buy bust operation sa Dela Pena St. corner M H Del Pilar, Brgy. Maysilo dakong alas-8:20 ng gabi.
Ayon kay PSSg Jerry Basungit, nakumpiska sa mga suspek ang humigit kumulang sa 9.0 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P61,800 at P500 buy bust money. (Richard Mesa)