5-milyong target sa ‘Bayanihan Bakunahan’ di naabot
- Published on February 19, 2022
- by @peoplesbalita
AMINADO ang gobyerno na mahirap nang maabot ang target na 5 milyon na mababakunahan laban sa COVID-19 sa isinasagawang ‘Bayanihan Bakunahan 3’ na pinalawig hanggang ngayong araw.
Sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na hanggang kahapon ay nasa 2.6M pa lamang ang nababakunahan.
“Medyo matumal pa rin… Kailangan paspasan pa. Baka hindi natin maabot iyong ating 5 million na target,” saad ni Cabotaje.
Sinabi ng opisyal na hindi na mabilis ang pagtanggap ng publiko sa bakuna lalo na sa booster. Alam naman umano ng tao na importante ito ngunit walang pagmamadali sa kanilang parte na mabakunahan nito.
Sa unang round ng ‘Bayanihan, Bakunahan’ noong Nobyembre 29-Disyembre 3, 2021, umabot sa 10.2M doses ang kanilang naiturok habang noong Disyembre 15-22, 2021, umabot sa 6.4M doses ang naibigay.
Dahil dito, gumagawa na ng ibang diskarte ang National Vaccination Operations Center tulad ng pagpapalapit sa mga vaccination centers sa mga komunidad habang ang ibang lokal na pamahalaan ay nagbabahay-bahay na.
Ipinunto rin ni Cabotaje na nasa 68 porsiyento lamang ng mga senior citizens ang kumpleto na ang bakuna.
Posible aniyang maglunsad ng bakunahan para lamang sa mga senior citizens.
Nasa 61.9 milyon pa lamang ang kumpleto na ang bakuna sa 109 milyong populasyon ng bansa habang 9.3 milyon ang nakatanggap na ng booster shots. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)