5 ARESTADO SA SHABU SA CALOOCAN
- Published on April 1, 2021
- by @peoplesbalita
LIMANG hinihinalang drug personalities ang nasakote ng pulisya sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr. dakong 9:10 ng gabi, nagsasagawa ang kanyang mga tauhan ng Oplan Galugad na sa kahabaan ng Binata St. Brgy 144, Bagong Barrio nang maispatan nila ang isang grupo ng indibidwal na walang suot na face mask.
Gayunman, nang mapansin ng grupo ang mga pulis ay mabilis nagpulasan ang mga ito sa magkakahiwalay na direksyon na naging dahilan upang habulin sila ng mga parak hanggang sa makorner si Samboy Policarpio, 30, Lawence Mares, 31, at Jimmy Bautista, 49.
Nakuha sa mga suspek ang sampung plastic sachets na naglalaman ng nasa 4 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P27,200.00 ang halaga.
Bandang 5 naman ng hapon nang respondehan ng mga tauhan ng SS1 ang natanggap na tawag mula sa concerned citizen hinggil sa nagaganap umanong transkasyon ng illegal na droga sa Guido 1 Brgy. 33 na nagresulta sa pagkakaaresto kay Paul Romeo Llacer, 25, at Christopher Manalo, 40, habang nagawang makatakas ang isa nilang kasama.
Nang kapkapan, narekober kay Manalo ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nasa P1,360 ang halaga habang nakuha naman kay LLacer ang isa ding plastic sachet na naglalaman ng nasa 5 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P34,000,00. (Richard Mesa)