• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

4Ps, naglalayon na ‘sirain’ ang poverty cycle at hindi ang i-promote ang pagsandal at umasa na lamang dito -DSWD

SINABI ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na ang flagship poverty alleviation initiative ng gobyerno na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay hindi basta handout o isang bagay na ibinigay nang malaya o ibinahagi nang libre sa mga nangangailangan kundi isang long-term development strategy na dinisenyo para ‘sirain’ ang cycle ng intergenerational poverty.
“Isa sa pinakamalaking development program namin ay yung 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program). Hindi iyan ayuda. ‘Yung 4Ps na ‘yan ay dinesign para una, i-ahon ang ating mga kababayan at hindi masalin ang kahirapan [mula] sa isang henerasyon patungo sa susunod na henerasyon,” ayon sa Kalihim.
Nilinaw ni Gatchalian na ang social welfare ay hindi tungkol sa pangalagaan ang pagsandal o panatilihing umasa sa gobyerno kundi isang plataporma para sa napapanatiling pag-unlad lalo na para sa mga mahihirap na pamilya na mga pangunahing benepisaryo ng programa.
“Hindi dapat natin tingnan na masama ang social welfare pero paulit-ulit kong sinasabi na may development function kami. Iyon yung pangmatagalan na solusyon…oo binibigyan sila ng financial assistance, pero may conditions. Uma-attend sila ng family development sessions, yung mga anak mo dapat ay nasa school, yung mga basic na health care intervention ay dapat nandiyan,” aniya pa rin.
At para i-promote ang self-reliance at maiwasan ang pagsandal sa programa, sinabi ng Kalihim na ang 4Ps beneficiaries ay kinakailangan na matugunan ang ilang partikular na kondisyon gaya ng dalhin ang kanilang mga anak sa eskuwelahan o pag-aralin ang mga ito, dumalo sa family development sessions, at pag-access sa basic health services.
Tinitiyak naman aniya ng kasalukuyang administrasyon na ang mga benepisaryo na umabot na sa self-sufficiency threshold ay hindi na mauulit sa kahirapan.
“In this Administration, meron tayong ine-employ na tool na matagal nang nandiyan. Iyong mga social workers natin na case managers, kapag umabot na sa self-sufficiency or level 3, ine-exit na natin,” anito pa rin. ( Daris Jose)