44 close contacts ng Omicron subvariant, natukoy
- Published on April 30, 2022
- by @peoplesbalita
UMABOT na sa 44 indibidwal ang natukoy na ‘close-contacts’ ng unang Omicron BA.2.12 case na isang babaeng Finnish na bumisita sa Baguio City, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na agad silang nagkasa ng ‘contact-tracing’ makaraang matukoy ang naturang kaso ng Omicron variant.
Dito lumabas na siyam ang naging ‘close contacts’ sa Quezon City, lima sa Benguet at 30 na mga kasamahang pasahero sa eroplano na sinakyan ng pasyente patungo sa Maynila.
Ipinaliwanag ng opisyal na hindi na isinailalim sa ‘routine isolation’ sa quarantine facility ang naturang Finnish national dahil sa ‘fully vaccinated’ naman siya laban sa COVID-19 at walang sintomas na nakita nang dumating siya sa bansa noong Abril 2.
Nabatid na nag-lecture sa isang unibersidad sa Baguio City ang naturang unang kaso. Nakarekober naman na ito matapos ang pitong araw na isolation at nakalabas na ng bansa noong Abril 21 pa. (Daris Jose)