• October 24, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 24, 2025
    Current time: October 24, 2025 8:35 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

41% na nang higit sa 72 milyong balota…. 30 milyong balota naimprenta na para sa May 2025 national at local elections

NAKAPAG-imprenta na ang Commission on Elections (Comelec) ng halos 30 milyong balota para sa mahigit 72 milyong balota sa kabuuang gagamitin sa May 2025 national at local elections.

Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ang nasabing bilang ay 41% na para makumpleto at hahabulin pa ang pag-imprenta ng mas malaking porsyento.

Samantala, ang  verified ballots naman aniya ay nasa 5.5 milyon hanggang 6 milyon pa lamang.

“Ang verification namin ay umaabot ng 5.5 million to 6 million pa lamang. Ang naimprenta namin ay almost 30 million na. So ganyan po ang hahabulin namin,” ani Garcia sa panayam ng Dobol B TV.

Sinabi niya na hindi maiiwasan ang magkaroon ng errors sa proseso ng pag-imprenta sa pagdaan sa two-level verification process sa pamamagitan ng isang manual at isa ay gamit ang makina sa National Printing Office.

“Bawat iniimprenta na mga balota ay hindi naman lahat ‘yan ay perfect. Parang pera rin na ginagawa natin, mero’t meron din talagang sumasablay. Meron talagang mali ang cut, mali ang kulay o kaya naman ay nagkaroon ng smudge,” ani Garcia.

Nasa 7%-8% ang defective o rejected ballots, na ayon kay Garcia ay hindi naman ganun kataas.

Tiniyak din ng poll chief na ang mga balota ay matatapos sa Marso 19 at nakalagpas na ito sa verification bago sumapit ang Abril 14.

Prayoridad din sa pag-imprenta ng mga balota ang dadalhin sa mga malalayong lugar.

Nilinaw niya rin na makikita pa ang mga pa­ngalan ng kandidatong umatras na sakaling may bumoto ay ituturing na stray votes. (Daris Jose)