• June 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

4 tulak timbog sa buy bust sa Malabon at Valenzuela

MAHIGIT sa P.2 milyon halaga ng shabu ang nasamsam sa apat na hinihinalang tulak ng illegal na droga kabilang ang isang High Value Individual Regional Level na naaresto sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Malabon at Valenzuela Cities.

 

 

Ayon kay PCpl Pamela Joy Catalla, alas-12:45 ng madaling araw nang magsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Joel Madregalejo sa M. Bernardino St. Brgy. Ugong na nagresulta sa pagkakaaresto kay Virgilio Silvano alyas “Butchok”, 29, matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

 

 

Narekober kay Silvano ang nasa 7 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P47,600 ang halaga, buy bust money, P650 cash, cellphone at sling bag.

 

 

Dakong 1:15 naman ng madaling araw nang matimbog din ng kabilang team ng SDEU si Dennis Calbayar, 36, matapos bentahan ng P8,000 halaga shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa buy bust operation sa kanyang bahay sa 6906 Balanti St. Brgy. Ugong.

 

 

Ani SDEU investigator PSSg Ana Liza Antonio, nakuha kay Calbayar ang nasa 7 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P47,600 ang halaga, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at 15 pirasong P500 boodle money, P390 cash, cellphone at leather pouch.

 

 

Samantala, nasakote din ng mga operatiba ng Malabon Police SDEU sa pangunguna ni  PLT Amadeo Tayag Jr, si Richard Segovia alyas “Poyong”, 44, (Pusher/ High Value Individual Regional Level) ng Bignay St. Brgy. Potrero at Ronald Arciaga, 36, tricycle driver ng Sito 6, Brgy. Catmon sa buy bust operation sa Industrial Road, Brgy. Potrero dakong alas-10 ng gabi.

 

 

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 16 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P108,800 ang halaga at P500 buy bust money. (Richard Mesa)